Ang Pagsubok ay Parang Birthday

June 08, 2018
, , , , , , , , , , ,

Ang Pagsubok ay Parang Birthday (Photo Credit: Pixabay)


Mayo 28, 2018
2:04 ng umaga
Lunes
Lungsod ng Quezon

Paps,

Natulog ka na sa wakas. Salamat sa Diyos! Pwede na rin akong matulog pero tititigan muna kita habang gumuguhit ang tunog ng iyong malalim na paghinga at malakas na hilik sa tahimik na paligid. Batid kong hapo ka na sa pag-inda ng iyong sakit na nararamdaman mula pa noong Huwebes ng hapon.

Sakit ng kalamnan sa leeg... Simple lang pero pulang-pula ang iyong mukha sa sakit habang pinipilit mong humiga dahil pagod ka na at nais nang matulog ng mahimbing. Sa 20 taon nating magkaibigan at 14 na taong pagsasama bilang mag-asawa, ngayon lang kita narinig magreklamo at magmura dahil sa tindi ng sakit na sabi mo, parang pinupunit ang iyong buong katawan. Kanina habang inaasistehan kita, sinabi mo pa sa akin, "Sorry, Ma, inaalagaan mo pa ako. Matulog ka na." Hindi ko pinahalata sa'yo na namuo na ang luha sa aking mga mata. Kailangan kong maging matatag at panatilihing positibo ang pananaw na okay ka, lilipas din 'yan.

Sa tagal na nating magkakilala at magkasama, na halos kalahati ng ating buhay rito sa mundo, dalawang beses pa lang kitang nakitang lugmok sa sakit. Noong una, sabay-sabay tayong lahat na naospital sa loob ng tatlong linggo. Naging delikado ang lagay mo noon. Kung hindi tayo ulit bumalik sa ospital baka napaano ka na. Noon ko napagtanto na sadyang napakaigsi ng buhay. Dapat ilaan ang oras at ipakita ang pagmamahal sa mga taong mahahalaga sa buhay natin bago mahuli ang lahat. Doon ko rin napatunayan na talagang mahal na mahal kita higit pa sa buhay ko at napakaswerte ko na ikaw ang ibinigay sa akin ng Poong Maykapal bilang katuwang ko sa buhay. 

Ang bait-bait mo kasi. Totoo talaga ang kasabihang para makita mo kung gaano kabuti ang isang tao, tingnan mo kung paano niya ituring ang kanyang mga magulang at kapatid. Nakita ko kung gaano mo nirerespeto at minamahal ang iyong pamilya. Sadyang napukaw ang aking puso kung paano mo alagaan at pahalagahan ang iyong mga kapatid na babae. Kaya noon pa lang, alam ko na aalagaan mo rin ako at ilalagay sa pedestal gaya ng ginagawa mo sa kanila.

Akala nila mayabang ka pero ikaw ang isa sa pinaka-mababang loob na taong nakilala ko. Maliban sa mga nakamit mo sa iyong propesyon bilang guro at "published author", hindi mo kinakalimutan na ang mas mahalaga sa'yo ay kung paano mo huhubugin at mamahalin ang iyong mga mag-aaral higit pa sa ano mang karangalan at posisyon. Sinasabi mo lagi sa akin na ayaw mong umalis sa silid-aralan at masaya ka kapag binabalikan ka ng iyong mga naging estudyante. Dahil diyan, mas naging proud ako sa'yo. Hindi mo kinalilimutan ang dahilan kung bakit ka naging isang guro habang tinatahak mo rin ang iyong sarili at pampamilyang mga pangarap.

Sino ba ang mag-aakala na rito sa bahay, maasahan ka sa gawaing bahay lalo na sa pagluluto? Mas masarap at marunong ka pa ngang magluto kaysa sa akin. Sa kusina, ikaw na ang hari. Kahit hindi ko sinasabi, nagkukusa kang tumulong. Pati sa pag-aalaga ng ating mga anak mula nang maliliit pa sila, nandiyan ka palagi at walang sawang umaalalay sa akin. 

Mahalaga sa'yo ang pag-unlad ko bilang babae at propesyonal. Hindi mo ako pinipigilang gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa akin bagkus ako'y iyong sinusuportahan. Lagi mong sinasabi, "Bakit ako mai-insecure kung kumikita ka rin? Proud nga ako kasi ang misis ko kayang tumayo sa sarili niyang mga paa. Kapag nawala na ako, alam kong kaya niyang buhayin ang mga anak namin."

Napakamaginoo mo. Kung ituring mo ako para akong reyna. Inaalalayan mo pa rin ako kapag sasakay tayo at bababa ng jeep, lagi ka pa ring gumagawi sa "danger side" kapag lumalakad tayo at tumatawid sa daan, nag-aalala ka pa rin at nagbibiling mag-ingat ako kung sakaling ako'y gagabihin ng uwi. Lagi kong sinasabi, ang haba ng buhok ko kasi kahit mag-asawa na tayo, hindi ka pa rin nagbabago. 

Hindi mo ako pinagbuhatan ng kamay kahit minsan. Hindi mo ako pinagsalitaan ng masasakit o binulyawan man lang kahit kailan. Kahit kung minsan mabusisi ako o makulit, pinagpapasensyahan mo lang ako at sasabihing, "Yes, Ma." Nakikinig ka sa opinyon ko at hindi mo sinasabayan ang "topak" ko. Pero alam ko kapag galit ka na kahit hindi ka nagsasalita. Kung magsalita ka man, may diin lang at may punto, ngunit hindi ka kailanman nagbibitiw sa akin ng maaanghang na salita. Ang taas ng respeto mo sa akin at ako rin naman sa'yo.

Sinasabi mo sa akin sa mga pagkakataong tayo ay may pagsubok, "Sorry, Ma, hindi mayaman ang napangasawa mo. Sana mas higit pa ang maibibigay ko sa'yo." 

Paps, hindi mo kailangang humingi ng tawad sa akin. Ang masayang pagsasama, ang binigay mo sa sa ating mga anak, ang pagiging responsable at mabuti mong asawa at tatay, ang pagiging mabuti mo sa iyong mga katrabaho, kaibigan, at sa mga mag-aaral na dumaraan sa'yo taun-taon, ang pagkakaroon mo ng talino at kakayanan para maging katuwang ko sa buhay at tatay sa ating mga anak, ang pagbibigay mo sa akin ng mababait na hipag at biyenan, ang buo mong pagkatao, lahat 'yan ay higit pa sa salapi. Ang salapi ay nahahanap dahil mapagtutulungan natin 'yan, pero ikaw ay itinuturing kong bilang kayamanan. 

Nagpapasalamat ako sa'yo, Paps, kasi ipinaranas mo sa akin kung paano ituring ng tama ng isang asawa. Ipinakikita mo sa ating mga anak kung paano maging isang mabuting asawa at tatay. Magpalakas ka, Paps, magsasama pa tayo ng hanggang tayo ay maging 100 taon pataas!

Tumutulo man ang luha ko ngayon habang sinusulat ko ito dala na siguro ng pag-aaalala dahil nasasaktan ako kapag nasasaktan ka ngunit alam kong ito rin ay luha ng kasiyahan. Sa mga ganitong pagkakataon, bumabalik ulit ang mga masasayang alaala nating dalawa at napapatunayan ko na hindi kita kayang mawala sa buhay ko kasi mahal na mahal kita. 

Tulug na tulog ka na, Paps. Maari na rin siguro akong matulog ng mahimbing. Naniniwala ako na mamaya okay ka na. 

----------
Mayo 31, 2018
5:33 ng hapon
Huwebes
Lungsod ng Maynila

Lunes ng umaga, pumunta ka na sa ospital at sumunod kami ni Bunso para ikaw ay bantayan. Ang sakit na iniinda mo sa leeg na iyong inilalarawan na parang pulikat ay dulot ng isang degenerative condition sa iyong spinal bone.

Habang nakikita kong halos mawalan ka na ng ulirat sa sobrang sakit sa loob ng apat na araw at tatlong gabi , para rin akong nauupos na kandila ngunit kailangang magpakatatag at maniwalang okay na ang lahat. Nasambit ko sa'yo, "Kapit lang, Paps. Lilipas din 'yan." Wala akong magawa kundi palakasin ang loob mo. Kung makukuha ko lang ang sakit na nararamdaman mo, gagawin ko.

Sabi nga sa wikang Ingles, "Claim it!" Dapat isipin na magaling na at okay ka na. Malaki ang naidudulot ng positibong pag-iisip at likas na kapanatagan ng loob sa oras ng pagsubok. Naniniwala ako na kung ano ang iniisip natin, 'yon talaga ang mangyayari. Napatunayan ko na 'yan sa mahabang panahon kaya alam kong hindi pa man nangyayari pero "magaling ka na".

Ngayon nga ay natapos na ang una mong sesyon ng Physical Therapy. Sabi mo mas bumuti na ang lagay mo. Naging maganda rin ang response mo sa tatlong pain relievers na iniinom at inilalagay sa swero mo. Salamat naman at makatutulog na tayong lahat ng mas maaga at mahimbing.

----------
Hunyo 1, 2018
9:31 ng umaga
Biyernes
Lungsod ng Maynila

Dahil maaga tayong nakatulog kagabi, maaga ring nagising si Bunso. Dahil husto naman ang tulog ko, hindi mabigat sa katawan ang bumangon ngayo't alam ko na hindi ka na rin masyadong nakararanas ng matinding pananakit ng leeg. Habang tinitigan kita sa'yong pagkakahiga, masaya ako na nakatulog ka na ng hindi nagagambala at dumaraing sa sakit.

Pagkaligo mo at ni Bunso, ginawa natin ang mga ehersisyo na tinuro ng iyong therapist kahapon. Gumaan ang pakiramdam ko nang iyong sinabi na medyo naiinda mo na ang sakit at dumalang na ang spasm na iyong nararamdaman. Nakaupo at nakatayo ka na rin ng maayos. Hindi mo dapat biglain. Relax ka lang. Alam kong malapit na malapit ka nang bumalik sa dati mong kalagayan at gawain. 

Ang dami mong iniinom na gamot maliban. Maski ako nalilito na. Ang kagandahan lang ng pangyayaring ito ay nalaman natin ng maaga ang iyong kondisyon habang hindi pa malala. Dahil sa 2D Echo, nakita na maayos ang iyong puso. Dahil sa MRI, nalaman na talagang may problema ang iyong spine kaya naman nagsimula ka ng gamutin at i-therapy. Hindi na pwedeng magbuhat ng mabibigat at magtrabaho ng tuluy-tuloy. Kailangang magpahinga at kumain sa oras. Dapat ibahin ang lifestyle at diet dahil magsasama pa tayo ng mahaba pang panahon.

Kaarawan ni Tatay ngayon. Tawagan mo sa siya. Maari mo na ring sabihin sa iyong mga kapatid ang iyong kalagayan ngayong hindi na masyadong malala para hindi na sila mag-alala. Mahal na mahal kita, Paps. Naluluha ako ngayon kasi maayos na ang itsura mo kumpara noong mga una nating araw rito sa ospital. Nakangingiti ka na at nakakapagbiro ng muli.

----------
Hunyo 4, 2018
12:57 ng tanghali
Lunes
Lungsod ng Maynila

Katatapos mo lang ng ikatlo mong PT session at kumain ng pananghalian. Sige, Paps, magpahinga ka na. Alam kong na-relax ka na. Dahil wala pang discharge order ang iyong duktor at kailangan pang i-monitor ang iyong blood pressure at sakit sa leeg, narito lang kami ni Bunso at hihintayin ka naming maging lubos na gumaling bago tayo umuwi sa ating tahanan.

Ang diagnosis ng iyong duktor na "Spondylosis, C3-C4, C4-C5, C5-C6, T1-T2 with Degenerative Disc Disease", ay nangyari bunga na rin ng uri ng iyong trabaho bilang guro sa loob ng labinsiyam na taon. Lagi ka kasing nakayuko kapag nagbabasa at nagtse-tsek ng mga proyekto at test paper ng iyong mga estudyante. Lagi ka ring nagbubuhat ng mabigat at nakakaligtaang mag-stretching man lang dahil sa pagod sa trabaho at sa pagganap ng iyong tungkulin bilang ama at asawa. Ang iyong buto sa leeg ay naging tuwid dahil hinihila na ito ng matigas na kalamnan mo sa leeg. Kaya ka nagkaroon ng spasms. Buti nakuha naman sa gamot at PT. Mayroon pa ring pananakit at pakiramdam ng pamamaga sa iyong kanang leeg pero sabi mo nga nakatulong ng malaki ang PT at gamot. 

Kaya naman Paps, huwag ng magpupuyat, matulog ng maaga at sakto sa oras, huwag ng mag-uwi ng trabaho sa bahay para hindi ka na magbubuhat ng mabigat na bag, maging tama ang posture, mag-stretching sa pagitan ng trabaho, huwag matulog ng nakataas ang dalawang kamay sa may ulo, huwag matulog ng walang unan. Kapag nakaharap sa computer monitor o kaya nama'y nagbabasa, panatilihing naka-lebel sa iyong mga mata. Wala ka namang sakit sa puso at hindi ka naman diabetiko, pababain mo lang ang Uric Acid mo para hindi ka na nakararanas ng pananakit ng kasukasuan. Sundin ang diabetic diet na binigay ng nutritionist at maging conscious ka na sa iyong kalusugan para mas lalo ka pang maging malakas dahil magsasama pa tayo ng matagal. 

Tatlong araw na lang at uuwi na tayo. Ngayon ay isang linggo na tayo rito sa ospital. Sapat na pahinga, pag-inom ng mga gamot na binigay ng iyong duktor, at PT sessions pa habang tayo ay naririto. Okay lang, Paps, naiintindihan naman ni Kuya na tayo ay magtatagal pa. Nakabantay naman sa kanya si Loley. Mas mahalaga sa amin na maging lubos ang iyong paggaling bago ka muli bumalik sa iyong trabaho. 

Kung babalikan ko ang nangyari sa iyo noong isang linggo, sabi mo nga gusto mo ng bumigay kasi nakababaliw ang sakit na naramdaman mo. Salamat, Paps, hindi ka bumitaw. Sabi ko naman sa'yo, ang pagsubok ay parang birthday lang, dumarating at lumilipas din. Parte ng buhay ang magkaroon ng sakit o mga pangyayaring susubok sa iyong katatagan. Kung ano raw ang iniisip natin ay siyang mangyayari. Payapain mo ang iyong loob. Okay ka. Okay tayo. Okay ang lahat. Huwag ka ring magsabi sa akin ng "Sorry, Ma." Wala kang dapat ihingi ng paumanhin. Hindi mo gustong magkasakit. Hindi mo gustong mag-alala ako. Ganyan talaga. Hindi ba nangako tayo sa isa't isa na sa hirap at ginhawa ay magsasama tayo habambuhay? Hindi ako kailanman magsasawang alagaan at mahalin ka. Ang tanging hiling ko lang sa'yo ay samahan mo akong mabuhay pasulong. Huwag tayong bibitiw sa isa't isa. Mahal na mahal kita, Paps. Magpalakas ka para sa ating pamilya.


Ang Pagsubok ay Parang Birthday (Photo Credit: Pixabay)


----------
Hunyo 5, 2018
10:30 ng umaga
Martes
Lungsod ng Maynila

Dalawang tulog na lang ay lalabas na tayo rito sa ospital. Mahigit isang linggo na tayo rito. Kailangan lang nating maging tiyak na lubos ang iyong response sa gamot at Physical Therapy. Sa pangyayaring ito ay napakarami nating natutuhan, nadiskubre, at napagtanto.

- Ang ating si Bunso ay mas malaki na ang pagbabago sa kanyang pag-uugali. Mahaba na ang kanyang pasensya, mas may disiplina sa sarili, madali ng pagsabihan, at mas madali na siyang kasama sa mga lakaran. 

- Nalaman natin na malusog pala ang iyong puso, hindi mataas ang iyong asukal sa dugo, ngunit kailangan mong magkaroon ng "lifestyle modification" para mabawasan ang iyong timbang at hindi lumala ang degeneration ng iyong buto at hindi na maulit ang spasms at sakit sa iyong leeg.

- Tama ang kasabihang "An ounce of prevention is better than a pound of cure". Kailangang alagaan ng kalusugan para hindi magkasakit at makaiwas sa maraming gastusin sa gamot o therapy at maabala sa trabaho o regular na pamumuhay.


Ang Pagsubok ay Parang Birthday (Photo Credit: Pixabay)


- Mahalaga talaga na mayroon tayong maaasahang pagamutan at HMO (The best talaga ang Maxicare!). Hindi na natin pinroblema ang pagbabayad ng bill sa ospital kundi kung paano ka na lang magpapagaling.

- Sa loob ng sampung araw na wala tayo sa ating tahanan ay napatunayan natin na kaya na ni Kuyang maging mag-isa sa tulong rin siyempre ni Loley.

- Sa mga sandaling ito, batid natin na maraming mga taong nagmamahal at nakaiintindi sa ating kalagayan. 

- Talagang ang pagsubok ay parang birthday lang, dumarating at lumilipas din. Kahit ang pagsubok ay masakit at makirot sa katawan man o damdamin ay dapat itong ipagdiwang. May mga bagay na natutuhan at napagtatagumpayan. Kailangang magkaroon ng positibo at bukas na pananaw sa mga bagay-bagay upang makapag-isip at mabuhay na tama.

- Ang lubos na pagmamahalan nating dalawa at pagtupad sa pangako na magsasama sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, hanggang kamatayan ay nanapatunayan na naman natin sa pagsubok na ito.


Ang Pagsubok ay Parang Birthday (Photo Credit: Pixabay)

Related Posts

2 comments

  1. Nakatutuwa na pinagtagpo kayo ng tadhana. Naway mas marami pa kayong taon na magsama,magmahalan, at maging blessing sa iba. Hangad ko ang lubusang paggaling ni paps mo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat, Momi Berlin! Hangad ko rin ang kasiyahan ng iyong buong pamilya. Love you, besh. :)

      Delete

Thanks for stopping by!
I would love to know your feedback!

Blog Archive

Subscribe