"Walang Hanggan" ni Loe Redada

August 12, 2013
, ,

Una siyang nasulyapan,
taglay niyang ganda ay kaakit-akit.
Siya'y sinubukang lapitan, kaibiganin, at hagkan.

Sa wagas na kanyang pagmamahal,
di naging hadlang na siya'y ibiging tunay.  
Ngiti sa kanyang mga labi muling naibalik.

Kapalit ng pait sa kanyang kalungkutan,
ang nakaraan sadyang pilit kinalimutan.
Higpit ng kanyang yakap, haplos ang naramdaman.

Pilit mang itago ang nararamdaman,
ngunit tibok ng puso'y di mapigilan.
 Sa bawat yapak ng paglalakbay, 
 paglubog ng araw kanilang natatanaw.

Sinubukang mangarap
na may magandang hinaharap.
Sa kabila ng balakid sa  kanilang pangarap  
ay lumipas ang sikat ng araw.

Animo'y aninong dumaan.
Matatamis na salita,
ito'y unti-unting nawawala.

Sa bawat bigkas ng mga salita,
salitang "Mahal Kita",
 ay unti-unting kumukupas.


Kanyang pagmamahal 
sinubukang ipaglaban.
Ngunit may hadlang
 sa kanya'y naging palaisipan.

Kung ito'y nararapat paniwalaan,
na siya'y tuluyang kalimutan.

Hapdi sa kalooban kanyang naramdaman,
pilit itulak palayo ng kanyang kalooban.

Nararapat bang ito'y pagdaanan,
kung ito naman ay maiiwasan?

Sa bawat sulyap ng kanyang larawan
lungkot ang siyang nararamdaman.

Magandang alaala kailan ma'y di malilimutan,
na minsan sa buhay niya'y nagmahal siya ng lubusan.


Di man sila pinagbuklod ng tadhana,
pagsinta niya kailanma'y di kukupas.

Sa kabilang mundo sila pa rin ay magkikita.
Upang ipagpatuloy ang walang hanggang
pagmamahalan...

--------------------------------------------------------------------------
Ikaw, paano mo ipadarama ang iyong pagmamahal sa taong iyong sinisinta? Kaya mo bang ipaglaban ang iyong pagmamahal kahit ang iyong katipan ay sumuko na?
 
Ang May Akda: Si Loe Redada ay isang nars at kaibigang mabait, matapat, matulungin, at masayahin. Siya ay tubong Oas, Albay.Inilalarawan niya ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng pagsulat ng mga tula. Itinuturing niyang sandigan at inspirasyon ang kanyang pamilya.


Related Posts

0 comments

Thanks for stopping by!
I would love to know your feedback!

Blog Archive

Subscribe